Muling pinagtibay ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa pagsisikap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na mapanatili ang kaayusan at pagpapatuloy ng mga development project sa mga conflict area sa bansa.
Sa kanyang pagbisita kamakailan sa Dr. Jorge Royeca Hospital sa General Santos City, sinabi ni Sen. Go sa isang panayam na buo ang kanyang suporta para sa paglalaan ng mas malaking budget sa NTF-ELCAC.
Ayon sa senador, imbes na bawasan ang pondo ay dapat itong dagdagan dahil malaking tulong ito sa counter-insurgency efforts ng pamahalaan para mapaunlad at mabago ang isang lugar.
Ani Go, malaking tulong ito na mahikayat ang mas maraming Pilipino na magbalik loob sa pamahalaan at mamuhay ng normal kasama ang kanilang mahal sa buhay.
Kadalasan kasi aniya na ang conflict areas ang pinapasok ng mga komunista pero kung mapapalakas pa ang kampanya ng pamahalaan ay mapapanatili natin ang pangmatagalang kapayapaan.
Pagtitiyak pa ni Go, ipagpapatuloy niya ang suporta sa iba’t ibang programa at proyekto ng gobyerno para mapagtibay ang pagpapatupad sa reconciliation at reintegration activities.
Matatandaang, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 ang Executive Order 70 na lumikha ng NTF-ELCAC.