Abot sa siyamnaput isang abusado at matiwaling pulis ang kinasuhan ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng PNP sa nakalipas na labing siyam na buwan bilang bahagi ng ginagawang paglilinis ng pulisya sa kanilang hanay.
Ayon kay CITF Commander, Police Senior Superintendent Romeo Caramat Jr., mula February 3, 2017 hanggang September 27, 2018, nakatanggap sila ng 1,718 na formal complaints laban sa may 450 Police Commissioned Officers (PCOs) at 1,454 Police Non-Commissioned Officers (PNCOs).
Malaki aniya ang naitulong sa kanilang internal cleansing ng mga text at tawag na dumadaan kanilang hotline numbers.
Mula sa nabanggit na mga reklamo, 66 police personnel ang nasampahan ng administrative case sa internal affairs service.
85 naman na abusado at matiwaling police personnel ang sinampahan ng kasong kriminal sa mga korte.
173 sa mga complaints ay naipasakamay naman sa mga concerned deputy regional director for operations.
Nasa 2,169 police personnel na rin ang sinibak sa tungkulin at and 4,133 ang sinuspindi dahil sa ibat-ibang kasalanan.
368 naman ang dinismis dahil sa drug-related offenses.
Tiniyak naman ni PNP Chief, Director General Oscar Albayalde na mas magiging masigla at masigasig ang internal cleansing program ng PNP laban sa mga opisyal at tauhan na nagdadala ng kahihiyan sa police organization.