Manila, Philippines – Hindi ipapatapon sa Mindanao ang mahigit isang daang police scalawags na nabulyawan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos iharap sa kanya kamakalawa sa Malacañang.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde nahaharap na ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo.
Sa ngayon aniya ay pinamamadali na lamang nya ang imbestigasyon sa mga kaso upang matukoy ang resulta at maipataw ang kaparusahan.
Posible aniyang sa resulta ng imbestigasyon ay may masibak sa serbisyo sa mga ito.
Una nang inihayag ng PNP na sa bagong stratehiya ng PNP internal Affairs Service kaugnay sa internal cleansing program iaa-apply na ang preventive, punitive at restorative.
Aniya sa ilalim ng preventive approach, pipigilan ng PNP na may pulis na masasangkot sa anumang katiwalian.
Kabilang na dito ang pagsasagawa ng striktong background investigation sa mga nag-apply pa lang sa pagka-pulis.
Sa restorative approach isasalang sa spiritual cleansing ang mga pulis na dating naiulat na gumagawa ng katiwalian.
Habang sa punitive approach naman, tiyak na paparusahan ang mga mapapatunayang sangkot sa katiwalian.