Ilagan City, Isabela – Pormal nang binuksan ang Ayala Philippine Athletics Championship sa Lungsod ng Ilagan dito sa Lalawigan ng Isabela.
Ang naturang Sports event ay pangalawang taon nang ginaganap sa lungsod matapos ang matagumpay na pagdaraos sa kahalintulad na aktibidad noong 2017.
Ang PATAFA opening ceremony ay ginanap kahapon sa City Sports Complex na pinangunahan ng alkalde ng lungsod na si Evelyn “Mudz” Diaz.
Naging pangunahing bisita sa pagbubukas ng aktibidad ay sina Congressman Monsour Del Rosario ng Makati 2nd District at si PATAFA President Dr. Philip Ella Juico.
Ang pormal na pagbubukas ay ideneklara mismo ni Mayor Evelyn Diaz na siya namang sinundan ng fireworks display at pagtatanghal na pinangunahan ng mag-aawit na si Morissette Amon.
Ang Ayala Philippine Athletics Championship ay nagsimula na ngayong araw, Mayo 31, 2018 at magtatapos sa Hunyo 4, 2018.
Kabilang sa mga kalahok sa International Athletics event na ito ay mga koponan buhat ng Malaysia, Sri Lanka, Thailand, unattached athletes ng Poland at USA, Ilagan-Philippine Team, Dasmarinas City, Tuguegarao City, University of Baguio at iba pang mga eskuwelahan.