Hindi iuurong pero hindi rin muna aasa ang grupo ng mga guro na mapagbibigyan ng gobyerno ang matagal na nilang hirit na dagdag-sweldo.
Sa gitna na rin ito ng nararanasang krisis ng bansa bunsod ng COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ACT Teachers Party-List Representative France Castro na sa ngayon, umaasa silang mabibigyan man lang ang mga guro ng internet allowance.
Dapat din aniyang makaisip ng paraan ang Department of Education para mapondohan ang pagpapa-print ng module materials, internet at transportasyon para sa mga guro.
“Sa ngayon ang mga teachers ay sa basic sumu-sweldo ng mga P22,000. Kulang ito e, short ito dun sa kahilingan sana natin na P30,000 man lang. Ang mahalaga ngayon, mabigyan ang teachers kahit man lang internet allowance. May proposed bill din ako na P1,500 per month,” ani Castro.
Dagdag pa ni Castro, talagang hirap sa paghahanda sa blended learning ang mga guro dahil na rin sa kawalan ng pondo.
“Talagang hirap yung ating mga teachers. ‘Yung pondo na manggagaling sa DepEd hindi pa totally na naka-download sa iba’t ibang region at schools. Kaya ang mga teachers nakakaawa rin kasi sila na ang nagpo-produce nung mga materials for module. Talagang ngarag sabi nga ng mga teacher,” dagdag pa niya.
Kaya naman, magandang balita rin aniya na iniurong sa October 5 ang pagbubukas ng klase dahil makakapaghanda pa ang mga guro.
Ang nakakalungkot aniya rito, matagal namang tengga ang mga estudyante.