Investigation Report Tungkol sa Kwestionableng Project Expansion ng Airport sa Camarines Sur, Isinumite na ng DOTR

Pormal ng isinumite ang investigation report ng legal at procurement departments ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng Runway Project Expansion ng Airport sa Pili, Camarines Sur.

Sa pitong pahinang report ng DOTr, lumalabas sa isinagawang imbistigasyon na may attempt na pataasan ng Camarines Sur Provincial Government sa pamamagitan ni Governor Migz Villafuerte ang presyo ng nasa 22.15 ektaryang lupa na babayaran ng DOTr bilang bahagi ng pagpapalawak ng Pili Airport.

Base sa appraise value ng Development Bank of the Philippines, 160 pesos per square meter lang ang presyo ng lupa pero ang presyong isinumite ng Camarines Sur Provincial Government na babayaran ng DOTr ay 1,980 per square meter. Ito ay ikinagulat ng mga taga DOTr at ng mga residenteng apektado. Una ng napag-alaman base sa meeting na ipinatawag ng Provincial Government, 8.80 lang umano per square meter ang dapat babayaran ng kapitolyo at ng DOTr sa mga pribadong lupa na maaapektuhan ng airport expansion project.


Napag-alaman pa na ang 22.16 hectares ay pag-aari lang din ng LGU Provincial Government at kasama ito sa mga pababayaran pa sa DOTr. Bukod sa pag-aari na ng Provincial government ang nabanggit na lupa, pinataasan pa ang presyo nito sa 1,980 pesos mula sa appraise value ng DBP na 160 pesos lang naman pala per square meter.

Napag-alaman din sa report na umaabot sa 402 million pesos ang contracted amount ng proyekto sa pamamagitan ng DOTr na siyang nagpalabas ng pondo para sa LGU Camarines Sur upang gamitin sa expropriations o pagbili ng lupa mula sa mga pribadong may-ari nito.

Noong December 1, 2016, nagpalabas ng halagang 200 million pesos ang DOTr at karagdagang 120 million pesos pa ulit ang ipinalabas noong August 12, 2017 para sa proyekto. Subalit nagtaka ang DOTr kung bakit hindi pa nauumpisahan ang expansion project. Lalong nagulat pa ang mga personnel ng DOTr ng nagpadala pa ulit ng sulat si Gov. Migz Villafuerte na humihingi ng karagdagang 350 million pesos para sa airport improvement sa kabila ng napirmahan ng kasunduan na matatapos ang proyekto sa halagang 402 million pesos base sa program of work na ginawa ng DOTr.

Maliban sa pagpataas ng presyo, tinatanong din ng DOTr Legal Department ang ginawa ng Provincial Government na dagdagan ang sukat ng lupa at ginawang 200 hectares mula sa aprubadong 134 hectares lamang.

Ang nasabing report ng DOTr ay nakaabot na rin sa opisina ni Majority Leader Cong. Nonoy Andaya na nagpahayag ng pagkadismaya sa isinagawang pambabarat at panggigipit umano ng Camarines Sur Provincial Government sa mga apektadong residente.

Facebook Comments