Iregularidad sa listahan ng ayuda, pinasisilip sa DSWD at DILG

Nanawagan si Puwersa ng Bayang Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ang iregularidad sa listahan ng ayuda.

Ito ay dahil napag-alaman na mga yumao, menor de edad at mga Pinoy na nakatira na sa ibang bansa ang ilan sa mga nasa listahan ng benepisyaryo ng DSWD para sa pinakahuling Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan para sa mga pamilya o indibidwal na apektado ng nakaraang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Nograles, nakatanggap ang kanyang opisina ng mga inquiries at reports kaugnay sa mga kwestyunableng benepisyaryo at posibleng libu-libo pa ang mga indibidwal na hindi kwalipikado ang nakalista sa cash aid ng ahensya.


Dahil dito, kinalampag ng kongresista ang DSWD at DILG na silipin ang iregularidad at tiyaking hindi masasayang ang ₱22.9 billion pondong inilaan dito ng pamahalaan.

Hiniling din ng mambabatas na papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng kapabayaan sa listahan ng ayuda.

Pinamamadali naman ni Nograles sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang rollout ng National ID system upang gawing batayan at maiwasan ang dagdag-bawas sa mga karapat-dapat na beneficiaries.

Facebook Comments