
Narekober sa karagatang sakop ng Sabtang, Batanes nitong Pebrero ang isa na namang submersible drone.
Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, ito na ang ika-anim na underwater drone na natagpuan sa karagatang sakop ng bansa.
Sinabi ni Trinidad na kahit luma na ay complete specimen pa ang itim na drone na indikasyong high end o posibleng military grade ito.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang Level 1 forensic analysis sa drone, habang tapos na ang Level 2 analysis sa unang limang drone na na-rekober noong nakaraang taon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dagdag pa ni Trinidad, isusumite nila sa kinauukulan ang resulta ng pagsusuri ng drone para matukoy kung saan nga ba galing ang naturang mga drone.








