Paghahain ng annulment at nullity case sa korte, kailangan nang idaan sa email —SC

Kinakailangang idaan sa electronic filing sa korte ang paghahain ng annulment case at nullity o pagpapawalang bisa sa isang kasal.

Ito ang binigyang diin ng Korte Suprema batay sa resolusyon ng Supreme Court En Banc na nagpapalawig sa Rule 13-A ng Rules of Civil Procedure kung saan kailangan ng electronic filing at service sa pleadings, motions at iba pang dokumento sa civil cases na nasa first at second level courts.

Inirekomenda ng Office of the Court Administrator na isama na ito sa electronic filing dahil kapareho rin naman ang kanilang proseso sa ibang civil actions.

Ayon sa SC, magiging epektibo ang pag-amyenda matapos mailathala ang resolusyon.

Mula kasi noong December 1, 2024, lahat ng filing at service ng pleadings, motions, outgoing court documents, at iba pang papeles sa civil cases sa trial courts ay dapat isagawa sa pamamagitan ng email maliban sa initiatory pleadings.

Bahagi ito ng hakbang ng SC na mapabilis ang court proceedings sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027.

Facebook Comments