Arestado rin ang isa pang lalaki na nag-post sa social media na magbibigay siya ng pabuya para sa sinumang makapapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nahuli ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Ronald Quiboyen sa Boracay.
Si Quiboyen ay nag-post sa kaniyang social media na dodoblehin niya ang 50 million pesos at gagawin niyang 100 million pesos ang pabuya sa makapapatay kay Duterte.
Kahapon, isang 25-anyos na guro sa Zambales ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na mag-post din sa kaniyang social media na magbibigay siya ng 50 million pesos sa sinumang makapapatay sa pangulo.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Justice Spokesman Undersecretary Markk Perete na mahaharap sa patong-patong na kaso ang mga ito, kabilang na ang isasampang Inciting to Sedition sa ilalim ng Article 142 ng Revised Penal Code.
Binigyan diin ni Perete na kahit pa sabihin ng mga suspek na “joke” lang ang kanilang post laban sa Pangulong Duterte, hindi ito tatanggaping dipensa sa korte.