Isa pang panukala para taasan ang sahod ng mga private nurses sa bansa, inihain sa Kamara

Isinusulong sa Kamara ang isa pang panukala para taasan ang buwanang sahod ng mga nurses sa pribadong ospital.

Sa House Bill 7851 na inihain ng mga Kongresista ng Makabayan, hinihiling na dagdagan at ipantay sa sahod ng mga public nurses ang sweldo ng mga private nurses sa bansa.

Nakapaloob sa “Salary Increase for Private Sector Nurses Act of 2020” na pinatataasan sa ₱32,000 kada buwan ang sahod ng mga nurses sa mga pribadong pagamutan o katumbas ng Salary Grade 15 sa Salary Standardization Law.


Magkakaroon din ng adjustment o pagtaas sa sweldo ng mga private nurses sa tuwing magkakaroon ng adjustment sa sahod ang mga nurses mula sa mga gobyerno at pampublikong ospital.

Mahaharap naman sa multang ₱500,000 o pagkakabilanggo ng isa hanggang dalawang taon ang sinuman o alinmang institusyon na lalabag sa oras na maging ganap na batas ang panukala.

Batay sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), aabot sa ₱8,000 hanggang ₱13,500 ang sahod ng mga entry-level registered nurses, ₱9,757 naman sa mga hospital-hired nurses habang ₱5,000 hanggang ₱10,000 kada buwan naman na sahod sa mga private sector nurses.

Malayo anila ito sa sahod ng mga nurses mula sa mga kapitbahay na bansa sa South East Asia tulad sa Vietnam na nasa ₱62,000, Thailand na nasa ₱83,000, Malaysia na ₱97,000 at Singapore na nasa ₱236,000 kada buwan.

Facebook Comments