
Natagpuan na ng mga awtoridad ang isa sa mga nawawalang Pinoy seafarers.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, ay naitanong ni Committee Chairman Raffy Tulfo ang update sa mga nawawalang Filipino seafarers.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, natagpuan na ang Pinoy crew na si Jeric Bueno na nitong February 22 lang nawala sa bahagi ng Brazil.
Nakita na aniya ang mga labi ni Bueno at agad silang nag-demand ng autopsy sa mga awtoridad dahil sa hindi malinaw kung paanong nasawi ang kababayan.
Samantala, wala pa ring balita sa mga nawawalang Pinoy seafarers na sina Ralph Anthony Bobiles na noong Dec. 5, 2024 pa nawawala sa Panama; Jimbo Cadungog na noong August 31, 2024 nawawala; at Vincent San Diego na June 16, 2023 pa hindi matagpuan sa Norway.
Hindi naman tinatanggap ng DMW ang resulta ng imbestigasyon ng Panamian authorities sa pagkawala ni Bobiles na sinasabing bigla na lang naglaho sa barko at walang indikasyon ng foul play.
Labing isa sa mga Pinoy seaman na kasamahan ni Bobiles sa barko ang nakauwi na ng Pilipinas at kinuhaan na ng testimonya ng mga awtoridad.
Hindi rin malinaw kung papaano biglang nawala ang mga seafarers kaya patuloy na nagde-demand ang DMW sa mga manning agencies at sa mga foreign authorities ng update sa imbestigasyon.