VP Sara Duterte, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng dalawang piloto ng militar na nasawi sa pagbagsak ng fighter jet

Ipinaabot ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pakikiramay sa pamilya at buong puwersa ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas sa pagpanaw ng dalawang piloto ng militar.

Partikular ang pagkamatay nina Major Jude Salang-oy at Lt. April John Dadulla, matapos na bumagsak ang FA-50 fighter jet na sinasakyan ng mga ito sa Mount Kalatungan Range, Bukidnon nitong March 4.

Ayon kay VP Sara, ang ginawang paglilingkod sa mga Pilipino ng dalawang bayaning piloto ay dapat magsilbing inspirasyon sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan.

Dalangin din ng pangalawang pangulo na nawa’y mabigyan ng lakas ang mga naulilang pamilya para makabangon muli sa gitna ng kanilang pagdadalamhati at magkaroon ng kapanatagan sa kabila ng sakit na kanilang pinapasan.

Facebook Comments