Isa sa mga Suspek sa Pagpatay sa Taekwondo Player, Ginawang Pangunahing Witness

Cauayan City, Isabela- Magsisilbing saksi sa nangyaring kalunos-lunos na pagpatay sa isang binatang taekwondo player ang isa sa mga suspek na sangkot sa krimen.

Sa eksklusibong impormasyon na nakalap ng 98.5 iFM Cauayan, umamin ang isang suspek na kabilang ito sa pagpatay kay Aize Rafael Dalupang, 18 taong gulang at residente ng barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa salaysay ng ginawang witness na suspek, hawak ng isang suspek ang biktima habang sinasaksak ng isa pang suspek gamit ang gunting.


Nang nakahandusay na ang biktima ay pinagbantaan ang witness na kung hindi rin nito sasaksakin ang biktima ay siya ang isusunod ng mga ito.

Dahil umano sa takot ng witness ay kinuha na rin ang ginamit na gunting at isinaksak sa katawan ng biktima bago sila kumaripas ng takbo.

Nagtamo ng 15 na saksak sa katawan ang biktima at isang laslas sa batok.

Ayon naman sa isang imbestigador ng PNP Cauayan City, malaking bagay ang mga ibinahaging impormasyon ng witness para sa kanilang ginagawang pagsisiyasat para sa pagbibigay ng hustisya kay Aize Dalupang na nakatakda nang ilibing sa ika-12 ngayong Oktubre.

Dagdag dito, apat (4) na katao ang sinasabing sangkot sa karumal-dumal na pagpatay sa binata na kinabibilangan ng isang menor de edad at minamanmanan na ang isa pang suspek.

Kaugnay nito, nananatili naman sa himpilan ng pulisya ang tatlong (3) suspek kabilang na ang ginawang witness.

Selos o love triangle naman ang *pangunahing* motibo na tinitingnang *anggulo *sa nangyaring krimen na patuloy na iniimbestigahan ng pulisya.

Facebook Comments