Cauayan City, Isabela – Personal na ipinakilala ni Regional Director Dionisio Ledres ng National Economic Development Authority (NEDA) si Isabela Governor Rodito Albano III bilang bagong pinuno ng Regional Development Council (RDC) kasama si Private Sector Representative (PSR) Blessida Diwa bilang co-chair.
Kasabay nito ng pagsasagawa ng kauna unahang virtual meeting o video conferencing sa pamamagitan ng zoom.
Sa mensahe ni Gov. Albano III, magkahalong emosyon ang kanyang nararamdaman sa pagtanggap sa posisyon bilang RDC chair.
Ayon sa gobernadora, excited siya dahil sa pagkakataon na makatrabaho at pamunuan ang iba’t ibang grupo ng ehekutibo sa rehiyon.
Sa kabilang banda, aminado siyang nakakaramdam siya ng pagkabahala dahil sa mga pagsubok at hamon dala pa rin ng COVID-19 Pandemic.
Dahil dito, humihingi ng suporta si Albano sa kanyang mga kasamahan para ang kasalukuyan pinamumunuan niyang liderato ay magiging bahagi ng bawat isa.
Umaasa siyang sa tulong ng bawat isa sa RDC ay masusulosyunan ang bawat hamon.
Samantala, hiniling ni Albano sa secretariat ng RDC ang partisipasyon ng iba pang mga gobernadora sa rehiyon para makuha at matalakay ang iba’t ibang mga pananaw at suhestiyon sa kasalukuyang hinaharap na usapin.
Kasama sa mga dumalo sa virtual meeting sina Quirino Governor, Dakila Carlo Cua, Gov. Carlos Padilla ng Nueva vizcaya at Cagayan Governor Manuel Mamba.
Nakasama din sina Dr. Letecia Cabrera, OIC Regional Director of the Department of Health (DOH), Dr. Glenn Matthew Baggao, director ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), Office of the Civil Defense Regional Director Dante D. Balao, Dr. Leah Pulido-Ocampo, Regional Director of the Department of Trade and Industry (DTI) at iba pa.
Personal na pinasalamatan ni Governor Albano ang lahat ng mga nakiisa sa matagumpay at mabungang kauna unahang video conference ng RDC na ayon kay Director Dionisio Ledres Jr. NEDA ay magiging bahagi na ng new normal sa pagsasagawa ng meeting ng RDC.
Nagpahayag pa ang gobernadora ng kagustuhang imbitahan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa kanilang susunod na RDC virtual meeting para mapag usapan ang pagpapalakas ng wifi technology sa buong region lalo na at kailangan ang tinatawag na, technology-driven conference bilang bahagi ng new normal.
Ang RDC the highest policy-making body sa region 2 na binubuo ng ibat ibang government line agencies at private sector.