Cauayan City, Isabela- Nagtawag ng kauna-unahang pulong ang Isabela Task Force COVID-19 sa Provincial Capitol para sa unang cluster ng taong 2021 upang talakayin ang Executive Order No. 01-2021 na inisyu ni Gobernador Rodito T. Albano III kaugnay sa mga gagawing paghahanda sa bagong variant ng COVID-19.
Batay sa EO 01-2021 na inisyu ni Gov. Albano alinsunod sa direktiba ng pamahalaan na sundin ang mga hakbang para maiwasan ang posibleng pagkalat ng new variant ng SARS-CoV-2 na tinawag na B.1.1.7 o VUI2020/12/01, kanyang inaatasan ang bawat Local Government Units (LGUs) sa probinsya na palakasin at higpitan ang pagpapatupad sa health protocols maging sa travel restrictions.
Kaugnay nito, una nang ipinagbawal ng pamahalaang panlalawigan ang operasyon ng house-to-house bet collection at sa halip ay gawin na lamang sa PCSO booths o sa official betting stations ang lahat ng pagpapataya na isinasagawa ng PCSO.
Kasama rin sa EO ang muling pagpapakilos sa inter-municipal/city boundary checkpoints na mamanduhan ng PNP at mga kasapi ng local COVID-19 Task Force at ang pagpapataw ng curfew mula alas onse ng gabi (11:00 PM) hanggang alas kwatro ng umaga (4:00 AM) sa buong Lalawigan.
Kinakailangan din na mayroong kumpletong dokumento na maipapakita sa boundary at border checkpoints ang sinumang bibiyahe na papasok sa probinsya.
Sa kasalukuyan, sumasailalim pa rin sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Isabela kung saan ay libo-libong kaso na ng COVID-19 ang naitala habang nasa 60 na positibo sa nasabing sakit ang binawian na ng buhay.