Cauayan City, Isabela- Wala ng gaanong nakukuha na ipinagbabawal na gamot at illegal na droga sa probinsya ng Isabela kundi nagiging ruta lamang ng mga drug pushers mula sa ibang lugar.
Ito ang inihayag ni Agent Giovanni Alan, Provincial Officer ng PDEA Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Base aniya sa kanilang monitoring, hindi gaanong malala ang kaso ng Illegal drugs sa Lalawigan dahil nabuwag na ang mga malalaking pagawaan ng droga sa probinsya subalit nagiging exit point o ruta naman ng mga tulak na galing sa ibang probinsya gaya ng Kalinga papuntang Metro Manila.
Magugunitang nitong mga nakaraang araw ay magkakasunod na naka iskor ang PDEA at PNP sa Lalawigan matapos makahuli ng mga tulak ng marijuana at shabu na nanggagaling pa sa ibang probinsya gaya ng Kalinga.
Ang mga malalaking accomplishment ng PDEA ay resulta aniya ng kanilang magandang ugnayan sa PNP at iba pang law enforcement unit at pakikipagtulungan ng mamamayan.
Kasalukuyan namang nakapiit sa Kalinga ang apat (4) na nahuli sa pagpupuslit ng higit 100 kilong marijuana habang ang tatlong (3) kasamahan na kinabibilangan ng dalawang menor de edad na unang nakatakas ay natimbog sa bayan ng Quezon, Isabela at kasalukuyan rin na nasa pangangalaga ng pulisya at MSWD.
Sa kasalukuyan, nasa higit kumulang 30 porsiyento na lamang na mga barangay sa Isabela ang hindi pa nalilinis sa droga subalit ayon sa opisyal ay puspusan pa rin ang kanilang drug clearing operation upang maideklara ng Drug Cleared sa taong 2022 ang lahat ng mga barangay sa probinsya.