Isabela, Nangunguna sa may Pinakamataas na Naitalang Kaso ng Teenage Pregnancy

Cauayan City, Isabela- Nangunguna ang Lalawigan ng Isabela sa buong Lambak ng Cagayan sa may pinakamataas na naitalang kaso ng teenage pregnancy sa loob lamang ng dalawang taon.

Batay sa datos mula sa Municipality and City Population Officers sa rehiyon dos, tumaas sa 2.48% ang teenage pregnancy rate ng Isabela na sinundan ng Nueva Vizcaya na may 2.47 % growth rate habang nasa 0.5% lamang ang pagtaas sa mga probinsya ng Batanes, Cagayan at Quirino.

Ayon pa sa ahensya, nanguna ang Lungsod ng Ilagan sa buong rehiyon na may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy na may 2.19% habang 2.03% naman sa Santiago City, 1.41% sa Tuguegarao City at 1% sa Cauayan City.


Isa sa tinitignang dahilan ngayon ng Commission on Population (PopCom) Region 02 sa pagtaas ng teenage pregnancy rate sa lambak ng Cagayan ay ang pagiging watak watak ng pamilya at ang maagang pagkakaroon ng buwanang dalaw ng mga dalagita na nagdadala sa maagang pagkakaroon ng sexual awakening ng mga ito.

Hinihimok naman ni Regional Director Herita Macarubbo ang mga magulang na bantayan at patnubayan ang mga anak, bigyan ito ng social protection, panatilihing bukas ang komunikasyon sa loob ng pamilya at hikayating tapusin muna ang pag-aaral bago ang pag-aasawa.

Nagpayo din ang Direktor sa mga kabataan na makilahok sa mga makabuluhang bagay gaya ng pagsali sa mga youth organization.

Kaugnay nito, binabantayan na rin ng PopCom ang tiyansang tumaas pa ang teenage pregnancy rate dahil sa kinakaharap na pandemya.

Facebook Comments