Cauayan City, Isabela-Nahaharap sa kasong plunder ang dating Gobernador ng Isabela at ngayo’y bise gobernador na si Faustino “Bojie” Dy III at 12 iba pang matataas na opisyal ng kapitolyo matapos itong akusahan ni dating Angadanan Mayor Manuel Siquian.
Batay sa 12 pahinang complaint affidavit na isinampa sa Ombudsman ni Siquian noong July 27, inakusahan nito si Dy dahil umano sa paglabag sa kasong Malversation of funds at Anti-graft and Corrupt Practices Act.
Nag-ugat ang akusasyon sa sinasabing maanomalyang rehabilitation and improvement project sa 82-kilometer Ilagan-Divilacan Road na pinondohan ng P1.5 bilyong piso na inutang sa Development Bank of the Philippines (DBP).
Ayon sa dating alkalde, walang nangyaring Public bidding habang nagkaroon naman umano ng overpricing na umabot sa P20 milyon bawat kilometro ng ginagawang daan.
Matatandaan na ang paggawa ng proyekto ay napasakamay ng CM Pancho Construction Inc. taong 2015 kung saan ay gobernador noon ang kasalukuyang bise-gobernador.
Nabatid na si Ginoong Clemente Pancho ang vice president ng construction firm habang si Atty. Erika Caitlin Dy ang Presidente samantalang tumatayong incorporator na si Faustino Dy Jr. ng Stagno Properties Corp. na kapatid sa ama ng bise-gobernador.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ay sina Provincial Treasurer Ma. Theresa Araneta Flores, Accountant Pete Gerald Javier, Asst. Accountant Rosana Marquez, Budget officer at Bids and awards Committee (BAC) member Elsa Pastrana, Acting legal officer and BAC vice chairman James Francis Meer, Auditor Marilyn Lopez, BAC Chairman Rodrigo Sawit, BAC members Virgilio Lorenzo at Cherry Gregorio, BAC Secretariat Mary Ann Ballesteros kasama rin sa kinasuhan ang BAC Technical working group members Eduardo Cabantac at Angelo Naui.
Ayon pa kay Siquian, umabot sa 1.388 bilyong piso ang naibayad sa CM Pancho Construction firm taong March 2018 o katumbas nito ng 96% ng kabuuang halaga ng kontrata kahit na nasa 78.9% palang ang natatapos sa proyekto noong Pebrero taong kasalukuyan.
Inakusahan pa ni Siquian ang bise gobernador na may bahid personal na interes ang kontrobersiyal na proyekto dahil higit umanong makikinabang ang pamilya ni Dy dahil didiretso di umano ang proyekto sa Honeymoon Island na sinasabing pagmamay-ari ng pamilya Dy.
Sinikap naman ng iFM News team na hingan ng pahayag si vice-governor bojie dy subalit tumanggi itong magbigay ng komento at kanyang iginiit na mas marami pang bagay ang dapat pagtuunan ng pansin.