Pasado alas 10:00 ng umaga kahapon, May 14, 2022 nang masunog ang bahay na pagmamay-ari ni Greg Espiritu.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SFO 2 Joseph Eugenio, imbestigador ng BFP Alicia, itinawag lamang ng brgy. Kapitan ang nangyaring sunog na agad namang nirespondehan ng mga bumbero subalit wala nang naabutang apoy maliban sa mga naiwang yero.
Ayon kay SFO 2 Eugenio, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na ang sanhi ng sunog ay dahil sa loose connection ng service drop ng bahay na dahilan ng pag-spark ng kuryente.
Mabilis aniyang nilamon ng apoy ang buong bahay dahil gawa lamang ito sa light materials at wala din mismo ang may-ari ng bahay nang mangyari ang sunog.
Walang naisalbang gamit sa nangyaring sunog kung kaya labis ang hinagpis ng pamilya ng biktima.
Tinatayang nasa P20K na halaga naman ang pinsala ng sunog at walang naitalang nasugatan o namatay sa insidente.
Pansamantala munang nakituloy sa kanilang kapatid ang may-ari ng bahay.
Bukas naman umano ang BFP Alicia na mamigay ng kaunting halaga sa nasunugan ng bahay.
Ayon pa sa imbestigador, pangatlong kaso na ito ng sunog na kanilang nirespondehan sa buwan lamang ng Mayo 2022.
Samantala, namigay na rin ng tulong kahapon ang kapulisan ng Alicia sa pamilya ng nasunugan.