Isang Barangay Kapitan sa Cauayan City, Nanawagan na ‘Wag maging Choosy sa Bakuna

Cauayan City, Isabela- Nananawagan sa mga constituents ang Kapitan ng Barangay Turayong sa Lungsod ng Cauayan na huwag nang maging ‘choosy’ sa bakuna laban sa COVID-19.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Brgy. Captain Silverio Beer Ramones ng Turayong, kanyang sinabi na nasa 40 porsyento pa lamang sa kanyang barangay ang nabakunahan kontra COVID-19.

Ilan kasi aniya sa mga kabarangay ay takot sa magiging epekto ng bakuna sa kanilang katawan habang ang ilan naman ay wala sa kanilang opsyon ang itinuturok ng mga vaccinators sa Lungsod.


Karamihan kasi sa gusto ng mga residente ng Turayong ay ang bakunang Pfizer.

Kaugnay nito, nakikiusap ang Kapitan na huwag nang mamili ng bakuna bagkus ay magpabakuna na ng kahit anong brand para magkaroon na ng proteksyon sa sarili at makaiwas sa banta ng virus.

Kanyang sinabi na walang dapat ikatakot sa bakuna at huwag din maniwala sa mga naririnig na impormasyong nakamamatay umano ang COVID-19 vaccine.

Para mabakunahan, makipag-ugnayan aniya sa mga purok leaders o sa mga opisyal ng Turayong para maasistehan sa iskedyul ng bakuna.

Facebook Comments