Pinuri ng corporate lawyer na si Lorenzo Gadon ang desisyon ng GMA Network Inc. na bawiin ang lahat ng mga ibinentang Philippine Depository Receipt (PDR) sa mga dayuhang mamumuhunan na naglagak ng kanilang investment sa nasabing kompanya.
Ayon kay Gadon, tama lamang ang desisyong ito ng TV network lalo pa at ito ang hinihingi ng batas na dapat ay purong Pilipino ang nagmamay-ari ng ganitong uri ng mga negosyo.
Isa si Gadon sa mga kumukwestyon sa pragkisa ng ABS-CBN dahil sa ilegal na pagbebenta nito ng PDR sa mga dayuhang mamumuhunan.
Sa pagsasara ng merkado ng Philippine Stock Exchange kahapon, inaprubahan ng myembro ng board ng TV network na bilhin ang lahat ng mga PDR na ibinenta ng GMA Holdings Inc., sa halagang ₱4.55 per share o mas mababa hanggang Oktubre ngayong taon.
Matatandaang ang pagbebenta ng ABS-CBN ng PDR nito sa mga foreign investors ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi na-renew ang prangkisa nito matapos itong halungkatin sa pagdinig ng Kamara noong Hunyo.
Sa ilalim kasi ng Konstitusyon, mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamay-ari ng mga dayuhang negosyante sa anumang media companies sa bansa.