Monday, April 6, 2026

Isang lider ng Kamara, nanawagan ng special session para ipasa ang wage hike bill

Nananawagan si House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Representative Raymond Democrito Mendoza sa Kamara at Senado na magdaos ng special session sa lalong madaling panahon.

Ito ay upang ipasa ang panukalang batas na magpapatupad ng ₱200 na pagtaas sa arawang minimum wage ng mahigit 5-milyong mga minimum wage earners sa buong bansa.

Giit ni Mendoza, hindi sapat ang mga mungkahi na magkaloob ng ₱1,500 na subsidiya sa mga pangkaraniwang manggagawa sa harap ng labis na pagtaas na presyo ng langis at mga bilihin pati ang bayarin sa kuryente.

Ipinunto ni Mendoza, na mistulang namamalimos lang ang mga manggagawang Pilipino sa ₱1,500 monthly subsidy o ₱50 kada araw.

Ayon kay Mendoza, ngayong taon ay maaring ilaan bilang makabuluhang subsidy sa minimum wage earners ang bahagi ng contingency at calamity funds, gayundin ang savings para sa ASEAN hosting na pawang nakapaloob sa 2026 national budget.

Facebook Comments