Isang Nurse, Pangalawa sa Naitalang Nagpositibo sa COVID-19 sa Nueva Vizcaya!

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla ang ikalawang kaso ng nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Lalawigan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, isang 27 taong gulang na lalaki na ngayo’y binansagang si PH1261 ang ikalawang nagpositibo sa COVID-19 na naitala sa kanilang Lalawigan.

Si PH1261 ay isang Nurse ng Region II Trauma and Medical Center sa Bayombong, Nueva Vizcaya na boluntaryong nagtungo noon sa Olympic Village sa Capas, Tarlac na ginawang quarantine area para sa mga umuwing OFW’s.


Ayon kay Gov. Padilla, nahawaan ang PH1261 sa pinuntahan nito sa Tarlac at agad na itinuring na Person Under Investigation (PUI) nang bumalik sa Lalawigan hanggang sa nagpositibo ito sa COVID-19.

Nagnegatibo naman sa naturang sakit ang isa pang Nurse na nakasama nito sa pag-aasikaso sa Capas, Tarlac.

Naka-isolate na aniya sa ospital si PH1261 at nasa maayos na kalagayan maging ang iba pang mga health workers na nakasalamuha nito at mga umasikaso rin sa naunang nagpositibo sa COVID-19 na nasawi sa kanilang Lalawigan.

Kaugnay nito, nakauwi na sa kani-kanilang bahay at nasa maayos nang kalagayan ang labing-apat (14) na naitalang PUI sa Lalawigan.

Facebook Comments