Inireklamo ng pananakit ng tatlong tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang opisyal ng Manila Police District (MPD).
Batay sa reklamo ng mga pulis mula sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit at Regional Support Unit ng NCRPO, pinagpapalo sila ng kahoy ni MPD Station 11 Deputy Commander Chief Inspector Alden Panganiban.
Ayon sa mga pulis na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi nila nasunod ang ilang utos ni Panganiban na kaya napikon ito at bigla na lamang silang pinalo gamit ang isang kahoy.
Bukod sa nasabing insidente, ilang tauhan rin umano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sinigawan ni Panganiban dahil hindi nasunod ang utos nito na alisin ang ilang barikada sa bahagi ng Jones Bridge dahil kailangan pa itong iparating sa kanilang mga opisyal.