Cauayan City, Isabela- Nagmistulang bago ang isang paaralan sa bayan ng Cabatuan, Isabela matapos na kumpunihin ng mga kasundaluhan ng 513 Engineering Construction Battalion, 51st Engineering Brigade, ng 502nd IB na nakahimpil sa Barangay Soyung, Echague, Isabela.
Tumulong ang mga kasundaluhan sa pagkumpuni at pagpapaganda sa Namnama Elementary School sa bayan ng Cabatuan, Isabela nito lamang Pebrero 25, 2020.
Ayon kay Staff Sergeant Liway Asuncion ng 502nd Infantry Brigade, ito ay isa sa mga proyekto ng kasundaluhan na tumulong sa mga paaralan na kung saan ay inayos ng tropa ang mga nasirang bubong, mga upuan, at ilang ceiling fan na sinira ng mga nagdaang bagyo noong 2019.
Gumawa din ang mga kasundaluhan ng bagong Comfort Room para sa mga PWD’s (Persons With Disability), Septic tank, School pathway, drainage cover at landscaping.
Nakiisa rin dito ang mga barangay officials, PTCA officers at mga guro sa pangunguna ng kanilang prinsipal na si Ms. Lorna R. Colcol.
Binigyan naman ni Ms. Colcol ng Certificate of Aprreciation ang mga kasundaluhan bilang pasasalamat sa paggawa ng naturang proyekto upang mabigyan ng magandang kagamitan at paaralan ang mga mag-aaral.
Nagpasalamat din si Major Amorito Saludez, ang Executive Officer ng 513 ECB sa mga guro at stakeholders dahil sa pagtitiwala sa kasundaluhan bilang katuwang ng paaralan tungo sa magandang kinabukasan ng mga mag-aaral.