Isang palaboy, binigyan ng EPD ng food pack at binihisan sa Araw ng mga Puso kahapon

Ipinadama ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang pagmamahal sa isang palaboy sa pamamagitan ng Valentine’s treat, habang ang lahat ay abala sa kanilang mga ka-date kahapong Araw ng mga Puso.

Piniling tulungan at ipinadama ang pagmamahal sa isang palaboy makaraang magsagawa ng Valentine’s treat si EPD Director PBGen. Matthew Baccay sa pagtutulungan ng mga taga-District Public Community Affairs Division na pinamumunuan ni Police Major Eric Cister.

Nasorpresa si Tatay Marianito Banaag, 64-anyos, walang asawa at anak, walang tahanan, walang trabaho at nag-iisa sa buhay simula ng namatay ang kanyang ama. Siya ay palipat-lipat na natutulog sa mga kalye malapit sa Pasig Public Mega Market at hindi makapagtrabaho sa kadahilanang siya ay may iniindang sakit simula pagkabata.


Si Tatay Marianito man ay mahirap, hindi ito naging dahilan upang siya ay manghingi, magnakaw, o manlimos ng pagkain, bagama’t siya ay umaasa sa may mga mabubuting loob at may malasakit sa kapwa na kanyang binabati araw-araw.

Ito ang pumukaw ng pansin sa mga tauhan ng EPD kung kaya’t pinili nilang ipadama ang pagmamahal na matagal na ipinagkait sa kanya ng panahon.

Kahapong Araw ng mga Puso, inanyayahan ng mga tauhan ng EPD si Tatay na maka-date. Siya ay pinaliguan, pinagupitan, binihisan, pinacheck-up, pinamasahe, pinakain sa isang kainan, at binigyan ng mga food pack.

Laking pasasalamat ni Tatay habang naiiyak sa tuwa sa mga tauhan ng EPD dahil sa pagmamahal na ipinadama sa kanya.

Facebook Comments