City of Ilagan, Isabela – Patay ang anak ng mag-asawang naaksidente kahapon matapos na bumangga ang traysikel na kanilang sinasakyan sa kongretong poste sa Brgy. Fuyu, City of Ilagan, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay PO2 John Paul Nicolas, imbestigador ng PNP Ilagan na kinilala ang mga biktima na sina Gerald Melchor Mangabat, dalawampu’t pitong taong gulang, Giua Mangabat, bente syete anyos, isang OFW at ang anak na si Princess Sara Mangabat na pitong taong gulang at pawang mga residente Rang-ayan City of Ilagan, Isabela.
Aniya, habang bumabaybay umano ang traysikel na sinasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng Brgy. Fuyu patungong Rang-ayan sa nasabing lungsod ay bumangga ito sa kongretong poste sa nasabing lugar.
Sa resulta ay nahulog ang drayber maging ang dalawang pasahero nito na asawa at anak kung saan ay kaagad na dinala sa Provincial Hospital para sa karampatang lunas habang ang bata ay nagkaroon umano ng matinding sugat sa ulo na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Napagalaman din na positibo si Gerald Melchor Mangabat sa nakakalasing na alak matapos ang eksaminasyon nito sa pagamutan.
Patuloy parin ang imbestigasyon ng kapulisan sa naging sanhi ng aksidente ng pamilya Mangabat sa lungsod ng Ilagan, Isabela.