Isang preso na pinalaya ng Maute Group sa Marawi City Jail, boluntaryong sumuko sa BJMP

Marawi City – Boluntaryong sumuko sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ang isa pang preso na pinalaya ng Maute group mula sa Marawi City Jail.

Kinilala ang preso na si Mohaderin Acampong, may kasong pagpatay, at isa sa kabuuang 107 preso na pinalaya ng Maute Group mula sa Marawi City Jail at Malabang District Jail.

Ayon kay BJMP Chief Jail Director Serafin Barretto Jr, nanatili sa Novaliches, Quezon City sa kanyang kamag-anak si Acampong bago tuluyang sumuko sa BJMP.


Tiniyak naman ni Barreto sa iba pang pinatakas na preso ng Maute Group mula Marawi City na titiyakin ng BJMP ang kanilang kaligtasan sa oras na magdesisyon na silang sumuko.

Paliwanag ni Barreto na maaari rin umanong mabawasan ang haba ng kanilang sentensya sa pamamagitan ng pagbibigay ng Good Conduct Time Allowance at iba pang incentive na ibinibigay ng batas.

Samantala, inilipat naman sa iba pang pasilidad ng BJMP sa Iligan City at General Santos City ang mga tauhan ng Marawi City Jail at Malabang District Jail kung saan umapela ang opisyal sa publiko na maging mapagmatyag.

Facebook Comments