Isang pulis Valenzuela, pinagbabaril ng hinihinalang drug personality patay sa Valenzuela City

Manila, Philippines – Patay ang isang pulis sa Valenzuela City matapos itong pagbabarilin ng hinihinalang drug personality sa nasabing Lungsod.

Kinilala ang biktima na si PO2 Noel Cabanglan, 34 anyos na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Group at residente ng 2063 Gen.T De Leon Valenzuela City.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.


Ayon sa saksing si Dauphine Aguillano 37 anyos, habang kumakain ito ng mami sa may tapat ng kinatatayuan mismo ng biktima at ng suspek sa M. Bernardino Street kanto ng Que Grande Street Brgy. Ugong Valezuela City ay nakita niya ang dalawa na nag-uusap.

Paliwanag ni Aguillano nang matapos na siyang kumain at naglakad ay bigla itong nakarinig ng apat na putok kung kaya dali-dali itong bumalik sa lugar kung saan niya nakita ang biktima at suspek.

Nakahandusay na ang biktimang pulis at nakita niyang tumatakbo palayo ang suspek na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga at naka posas ang isang kamay.

Ayon sa imbestigasyon naman ni SP04 Ronald Bautista may posibilidad na hinuli ng biktimang pulis ang suspek at nang pinoposasan na ito posibleng naagaw ang baril ng pulis kung kayat nagawa nitong pagbabarilin hanggang sa mapatay.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing pagpatay sa isang pulis Valenzuela at paghahanap na rin sa suspek na nakatakas na tinatayang nasa 20 hanggang 25 anyos, payat, maputi at may taas na 5″4 hanggang 5″5.
DZXL558

Facebook Comments