Isang senador, umapela sa WHO na isali ang Taiwan sa planong global pandemic response

Hinihimok ni Senador Risa Hontiveros ang World Health Organization (WHO) na isama ang Taiwan sa pandaigdigang plano nito sa pagtugon sa pandemya.

Sa isang parliamentarians’ letter sa WHO director-general ay nagpahayag ng pagkabahala si Hontiveros na hindi pa rin kasali ang Taiwan sa mga plano ng WHO kahit sari-saring mga eksperto na ang nagsabi na kailangang inclusive ang paglaban natin sa pandemya.

Paliwanag ni Hontiveros, ang pagbabalewala sa Taiwan ay maaring maglikha ng loophole sa global health network na posibleng pagmulan ng mas marami pang problema o komplikasyon para sa buong mundo.


Ang hindi pagsali ng Taiwan sa WHO ay dahil sa paggiit ng People’s Republic of China na ang Taiwan ay lalawigan nito.

Ito’y sa kabila ng pagiging malayang estado ng Taiwan mula 1940s.

Bunsod nito ay nakikiisa si Hontiveros sa mga humihimok sa WHO na imbitahan ang Taiwan sa 75th World Health Assembly na gaganapin sa Geneva, Switzerland hanggang Mayo 28.

Inirerekomenda rin ni Hontiveros na imbitahan ang Taiwan sa lahat ng iba pang pagpupulong, mekanismo at aktibidad ng WHO.

Facebook Comments