Friday, January 23, 2026

ISANG SENIOR CITIZEN AT MENOR DE EDAD NA RIDER, SUGATAN SA AKSIDENTE SA BANI

Isang vehicular traffic incident ang naganap bandang alas-8:10 ng gabi noong January 22, 2026 sa national highway ng Barangay Poblacion, Bani, Pangasinan na kinasangkutan ng isang pedestrian at isang motorsiklo.

Ayon sa ulat, ang pedestrian na isang 75 anyos na babae at residente ng nasabing barangay, ay bigla umanong tumawid sa kalsada mula kanlurang bahagi patungong silangan. Kasalukuyang binabaybay naman ng isang menor de edad na rider at residente rin ng Brgy. Poblacion, ang nasabing highway patungong hilagang direksyon habang minamaneho ang isang itim at puting motorsiklo.

Agad umanong nagpreno ang rider nang mapansin ang biglaang pagtawid ng pedestrian, subalit hindi na nito naiwasang mabangga ang matanda. Dahil dito, parehong tumilapon at bumagsak sa kalsada ang pedestrian at ang rider.

Kapwa nagtamo ng mga pinsala sa ulo at katawan ang dalawang sangkot sa insidente at agad silang isinugod sa ospital para sa agarang gamutan.

Samantala, nagtamo rin ng pinsala ang motorsiklo na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bani Municipal Police Station (MPS) para sa wastong disposisyon. Hindi pa tinutukoy sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsala sa naturang sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

Facebook Comments