*Jones, Isabela- *Sinunog umano ng hindi pa nakikilalang salarin ang dalawang Vote Counting Machines (VCM) at election paraphernalias pasado alas sais kaninang umaga sa Brgy. Sta Isabel, Jones, Isabela.
Sa inisyal na nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, hinarang umano ng grupo ng mga kalalakihan ang dump truck na sakay ng nasabing makina at agad na sinunog isang kilometro ang layo mula sa pinanggalingan na presinto sa Brgy. Dicamay 1 at Brgy. Dicamay II ng nasabing bayan.
Hindi umano agad nadala sa munisipyo ang nasabing makina dahil sa pagpalya nito habang nasa kasagsagan ng bilangan sa naturang lugar.
Tinatayang nasa mahigit kumulang 200 na balota ang hindi pa nababasa mula sa iba’t-ibang polling precincts ng dalawang nabanggit na barangay.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang mga otoridad kaugnay sa nasabing insidente.