Isa’t kalahating taon na walang face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19, ‘missed opportunity’ – Robredo

Tinawag na “missed opportunity” ni Vice President Leni Robredo ang isa’t kalahating taon na hindi nakapagsagawa ng limited face-to-face classes sa mga lugar na wala namang kaso ng COVID-19.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na marami sanang kabataan ang naisalba sa kanilang pag-aaral kung pinayagang magbukas ang mga eskwelhan noong panahong wala pa ang Delta variant.

“Pag hindi ma-educate lalo na yung mahihirap, wala masyadong access, malalayo, income generation ano ito Ka Ely. Pag hindi sila nakaaral pati yung magiging anak nila, damay. So, sa’kin yung one and a half year na hindi sila nakaaral, missed opportunity yun, hindi nay un mababalik,” paliwanag ng bise presidente.


Kasabay nito, hindi naiwasan ni Robredo na magpahayag ng pagkadismaya sa pagkontra noon sa community learning hubs ng kanilang tanggapan na layon sanang magbigay ng alternative learning sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa gadgets, internet at tutor.

“Masaya ako para sa community learning hubs pero nalulungkot ako dun sa hindi nagkaroon ng access, na dapat sana binigyan sila ng access, e kinontra pa nga di ba?,” aniya.

“Sa’kin, maraming desisyon na pinairal yung pulitika. Naalala mo, meron na sana kaming nakakasa na several (community learning hubs) dito sa Metro Manila, pero nung nagsalita si Presidente, merong isang LGU na umayaw,” dagdag niya.

Aminado naman si Robredo na dahil sa banta ng Delta variant ngayon ay delikadong buksan ang mga paaralan.

“Ngayon, talagang nakakatakot papasukin sa mga paaralan lalo na kung hindi lahat ng teachers bakunado na. itong Delta variant, maraming mga bata yung nagkakasakit,” saad pa ng bise presidente.

Facebook Comments