ISELCO 2, Nagpaliwanag sa Madalas na Brownout

Cauayan City, Isabela- Muling nagpaliwanag ang pamunuan ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 2 sa madalas na nangyayaring brownout sa ilang mga lugar na sakop nito.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Dave Solomon Siquian, General Manager ng ISELCO 2 at Chairman ng Philippine Federation of Electric Cooperatives (PHILFECO), kanyang sinabi na ang hindi inaasahang power interruption na kadalasang nararanasan sa bayan ng San Mariano at sa iba pang mga lugar na sakop ng ISELCO 2 ay sanhi ng ginagawang linya mula sa Naguilian sub-station hanggang sa Sta. Filomena ng San Mariano.

Hindi aniya nila kagustuhan at di sinasadya ng ISELCO na magkaroon ng brownout sa nasasakupan nito lalo na ngayong panahon ng pandemya.


Marami din ani nito ang dapat ikonsidera na nagiging dahilan ng pagkawala ng kuryente na dapat ay maintindihan ng mga member consumers.

Kaugnay nito, humingi na ng suporta at tulong ang pamunuan ng ISELCO 2 sa LGU San Mariano na maglalagay na ng maintenance system at magtatalaga na ng mga lineman para hindi na manggagaling sa bayan ng Benito Soliven ang mga mag-iinspeksyon at mag-aayos sakaling may biglaang brownout.

Tiniyak ni GM Siquian na kung sakaling matapos ang ginagawang sub-station ng ISELCO 2 ay magkakaroon na ng sapat na supply ng kuryente lalo na sa mga lugar na nasa forest region.

Facebook Comments