Cauayan City – Puspusan na ang ginagawang pagkukumpuni ng Isabela Electric Cooperative 1 sa mga napinsalang poste at kawad ng kuryente sa bahagi ng East Tabacal Region, Cauayan City.
Unang inayos ng kooperatiba ang mga natumbang poste ng kuryente noong kasagsagan ng bagyong Nika, maging ang mga posteng tinangay ng tubig-baha noong Super Typhoon Pepito.
Sa pakikipanayam ng IFM News Team sa mga residente, kalbaryo sa kanila ang mahigit dalawang linggo na walang suplay ng kuryente.
Mabuti na lamang at kahit papaano, mayroong generator set sa mga barangay na nagagamit upang I-charge ang mga cellphones at iba pang gadgets.
Ayon sa Brgy. Kapitan ng Brgy. Carabatan Bacareño na si Ginang Flordeliza Salvio, patuloy ang pamamahagi ng LGU Cauayan ng 20 liters ng krudo upang kanilang magamit sa pagpapaganang nabanggit na generator.