Matapos makatanggap ng ilang reklamo, sinita ni Manila Mayor Isko Moreno ang public health workers na nagsusungit sa mga pasyente.
Pinahayag ni Isko sa kaniyang livestream sa Facebook na kung hindi kaya ng public health care providers na maging mabait sa kanilang pasyente ay mag-resign na lamang ang mga ito.
“Makikisuyo naman. Frontline kayo ng gobyerno in delivering services, in this case health services,” aniya.
“Kung hindi kayo masaya sa trabaho niyo dahil kayo’y masungit na kinakaharap yung mga may sakit… di kayo masaya sa ginagawa niyo, pwede naman kayo magpaalam,” ayon kay Isko.
Nakisimpatya rin si Isko sa mga taong madalas pumunta sa ospital dahil ‘mahirap’, tulad niya na lumaki rin sa hirap.
“Mahirap maging mahirap, lalo na kung may sakit ka na ang tanging puhunan mo lamang ay lakas ng iyong pangangatwan,” dagdag niya.
Inanunsiyo naman ni Isko ang pondo na P9.5 million na ipapamahagi sa ilang institusyon ng kalusugan: Manila Health Department, Ospital ng Maynila Medical Center, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Justice Jose Abad Santos General Hospital at Ospital ng Tondo, Sampaloc at Sta. Ana.
Ang pondo ay gagamitin para sa karagdagang gamot at supplies na kailangan ng mga ospital upang maging mas maayos ang serbisyo sa mga Manileño.