Israeli Ambassador, Kinilala ang Naging Tungkulin ng Pilipinas sa Pagkakatatag ng Kanilang Bansa

Cauayan City, Isabela – Malaki ang naging katungkulan ng Pilipinas sa pagiging estado ng Israel.

Ito ang bungad na pananalita ni Israeli Ambassador to the Philippines Rafel Harpaz sa pagtungo niya sa tanggapan ni Cauayan City Mayor Bernard Dy ngayong araw, Marso 10, 2020.

Muling ginunita ng embahador ang malaking tulong ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1938 sa mahigit 1200 na Israeli na tumakas mula sa ginagawang pagpuksa noon ni Hitler sa mga Hudyo sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Isinalaysay pa niya na sa likod ng ginawang pagsasara ng lahat ng bansa sa mundo sa mga lumilikas na mga Hudyo ay ibinukas ng Pilipinas ang pintuan nito para sa mga nais makaligtas mula sa mga Nazi.


Ipinunto din ng embahador ang kahalagahan ng boto ng Pilipinas na siyang tanging nag-iisang bansa sa Asya noong 1947 na bomoto para sa UN Resolution 181 upang maging isang estado ang Israel sa makasaysayan at makapigil hiningang botohan noon sa United Nations.

Ang embahador ay nagsagawa ng pagbisita sa tanggapan ng alkalde kaugnay sa kanilang gagawing ugnayan sa Isabela State University Cauayan Campus para sa bagbabahagi nila ng mga kaalaman at pamamaraan sa agrikultura at irigasyon at exchange student program nila sa naturang eskuwelahan.

Pagkatapos ng uganayan ni Israeli Ambassador Rafael Harpaz at ng kanyang grupo sa alkalde ng lungsod ay nagkaroon ng maigsing ugnayan sa mga lokal na media ng Cauayan.

Ibinida ng embahador sa mga kasapi ng media ang pagpapahalaga ng bansang Israel sa ugnayang Pilipinas at ng kanyang bansa.

Sinabi naman ni Cauayan City Mayor Bernard Dy na bukas ang lungsod sa kanilang pagbisita at binanggit ang kanyang kagalakan sa pagpunta dito sa kauna unahang pagkakataon ng Israeli ambassador.

Kasama ni Mayor Bernard Dy sa pagtanggap sa grupo ng Israeli ambassador si Vice Mayor Leoncio Dalin at mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod ng Cauayan.

.

Facebook Comments