Umapela ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas(KMP) kay House Speaker Lord Allan Velasco na isama sa imbestigasyon ng Kamara sa massive-flooding sa Cagayan at Isabela noong Bagyong Ulysses, ang isyu ng illegal logging, illegal mining at black sand mining.
Ayon sa KMP, talamak ang black sand mining at illegal logging sa lalawigan kaya hindi na nakapagtataka na ngayon nararanasan ang epekto nito.
Giit dito ni KMP President Danilo Ramos, kung hindi isasama ang illegal mining at illegal logging sa imbestigasyon ng Kamara ay mababalewala lamang at lalabas na moro moro ang House Inquiry nito dahil hindi mareresolba ang ugat ng problema sa lalawigan.
Naniniwala si Ramos na isang komprehensibong imbestigasyon ang kailangan laban sa mga nasa likod ng illegal logging at black sand mining dahil ito ang ugat ng problema ng paglubog ng Cagayan.
Samantala, sa mga nakalipas na taon ay nakapagsagawa na ang Kamara at Senado ng imbestigasyon ukol sa Black Sand Mining sa Cagayan subalit wala namang naparusahan dito.
Sinasabing nasa $50 Million dollars o P2.6 Billion pesos kada buwan ang kinikita ng mga contractor sa Black sand mining sa Cagayan.
Ang black sand ay ginagamit na stabilizer sa concrete at steel products gayundin ay ginagamit ito sa mga alahas at cosmetics manufacturing at ang Hongkong ang isa sa bansang sinusuplayan nito.