ISYU SA BOUNDARY NG MALICO SANTA FE MULING NABUKSAN

Muling nabuksan ang isyu sa Boundary Dispute sa Malico, Santa Fe kamakailan kung kaya iginiit ng probinsiya ng Nueva Vizcaya ang karapatan sa taas na bahagi nito kontra Pangasinan.

Sinabi ni Nueva Vizcaya Vice Governor Jose Gambito sa special session kahapon, Setyembre 21, 2022, na kailangang irespeto ng Pangasinan ang resulta ng survey ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) kung saan lumalabas na sakop ng Nueva Vizcaya ang malawak na bahagi ng lugar.

Ang isyu ay muling naungkat matapos magpost ng isang kongresista ng Pangasinan ng kanilang plano na magtayo ng view deck na hindi maliwanag kung saang banda.

Napagkasunduan na dati nila Cong. Carlos Padilla at Cong Ramjit Shahani ng Pangasinan na ipapaubaya na ang pagresolba sa boundary dispute sa NAMRIA noong taong 2000.

May nangyari ring joint session dati kung saan napagkasunduan na kailangan irespeto ng parehong probinsya ang resulta ng survey ngunit tila nabalewala umano ito ngayon dahil sa plano ng kabilang probinsya na pagpapatayo ng view deck.

Kilala ang Barangay Malico dahil sa malamig na temperatura nito, tahimik at sariwang hangin kung kaya’t dinarayo ng mga turista.

Ayon pa kay Vice Governor Gambito, kailangang gumawa muli ng resolusyon na nagpapaalala sa mga opisyal ng Pangasinan na irespeto ang resulta ng survey ng NAMRIA

Facebook Comments