‘It was murder, rubout’ Pagkasawi ng 4 sundalo, kinondena ng PH Army

3412

Para sa Philippine Army, sinadyang paslangin ng mga pulis ang apat na sundalong miyembro ng intelligence operatives sa Jolo, Sulu nitong Lunes.

Ayon kay Lt. General Gilbert Gapay, hindi siya naniniwalang nagkaroon ng engkuwentro, gaya ng paliwanag ng mga nakapatay na awtoridad.


“It was murder. It is murder… there is no misencounter dahil hindi naman pumutok ‘yung tropa namin. Nandoon ‘yung mga baril nila sa baba. These are PNP personnel, kung may misencounter, nagkaputukan, palagay niyo walang tatamaan na PNP? This was no misencounter here, it was a rubout,” saad ni Gapay.

Mismong sina Gapay at Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Felimon Santos Jr. ang sumalubong sa mga labi ng namayapang sundalo, kahapon, Hunyo 30.

Siyam na pulis ang dawit sa pamamaril na ikinasawi nina Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Eric Velasco at Corporal Abdal Asula.

Maliban sa motibo, gustong malaman ng militar kung bakit iniwan ng mga pulis sa crime scene ang katawan ng apat na sundalo.




“Mga four to five ‘yung bumaril, the others served as lookout. After mapatay nila lahat, they fled. SOP ba ‘yon? ‘Di ba ‘pag may namatay, you have to cordone the area and wait for SOCO? Wala, nagtakbuhan lahat eh. So this is another thing we have to find out in the investigation,” giit ng opisyal.

Ang mga pulis na sangkot sa insidente ay kinilalang sila Police Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin, Patrolman Alkalaj Mandangan, Patrolman Rajiv Putalan, Police Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri, Police Master Sergeant Hanie Baddiri, Police Staff Sergeant Iskandar Susulan, Police Staff Sergeant Ernisar Sappal, Police Corporal Sulki Andaki, at Patrolman Moh Nur Pasani.

Batay sa inisiyal na ulat ng PNP Sulu, pinara nila sa checkpoint ang grupo nila Indamog, na armado at hindi nakasuot ng uniporme, upang beripakihin kung totoong tauhan sila ng Philippine Army.

Sinabihan daw ang tropa na magtungo sa Jolo Police Station pero imbis daw na sumunod ay nagtakbuhan sila at tinutukan pa raw ng baril ang mga nanitang pulis.

Nasa kostudiya ngayon ng Sulu Pronvicial Police Office ang mga nakapatay na awtoridad habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon.

Dumating na din sa Jolo ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) upang magsiyasat.

Facebook Comments