“Oo, nagseselos ako!”
Ang pagseselos ang isa sa mga madalas na pinag-aawayan ng mag-partner. Bagama’t normal lang ito sa nagmamahalan, mahalagang malaman kung sino o ano nga ba ang pinagseselosan mo. Sa pamamagitan nito, maaari mong ma-assess kung valid at logical nga ba ang nararamdan mong selos o hindi.
Sa dalawang oras na usaping selos ni Ate Alex Ganda sa kanyang programang iTOPIC, narito ang Top 5 na pinagseselosan ng iyong partner:
1. Ang iyong EX – Madalas umanong pinagseselosan ng iyong partner ang iyong EX lalong lalo na kapag ikinukwento mo pa ito sa kanya. Sa mga pinagsamang mensahe ng ating mga bestfriends, napag-alamang pakiramdam daw nila ay kinukumpara mo ang iyong present sa iyong ex. Bukod pa rito, pakiramdam daw nila na iniisip mo pa rin at mahal mo pa rin ang iyong nakaraan dahil hanggang ngayon ay pinag-uusapan niyo pa rin.
Paano nga ba ito maiiwasan?
Hangga’t maaari ay huwag mo na lamang ikwento ang iyong ex sa iyong present. Sa halip, ikwento mo na lang sa iyong present kung bakit mo siya minamahal ngayon at kung paano ka niya napapasaya. Sa pamamagitan nito, pinaparamdam mo sa iyong present na siya ay sapat na sa iyong buhay at na-a-appreciate mo ang kanyang presence.
2. Cellphone-Ang paggamit ng cellphone nang walang mahalagang dahilan tuwing nagde-date ay isang insulto sa iyong partner. Maaaring ginagamit mo ang iyong cellphone sa pagfe-Facebook o paglalaro, hindi mo dapat ginagawang kahati sa atensyon mo ang cellphone. Lumalabas sa ilang mga pag-aaral na mas masaya at mas ‘connected’ ang mag-partner na hindi gumagamit ng anumang ‘gadget’ kapag sila ay nagsasama. Napatunayang mas nagkakaroon ng ‘connection’ at ‘stronger chemistry’ ang mag-partner kapag sila ay nag-uusap.
3. Barkada – Bagama’t natural lang sa isang tao ang magkaroon ng ‘happy time’ kasama ang kanyang mga barkada, mahalagang magkaroon ng disiplina at oras kung kailan ang ‘perfect timing’ para rito. Lalo na sa mga may asawa na, dapat isiping mabuti na may mga anak at asawa kang naghihintay sa bahay.
Paano maiiwasan ang pagseselos ng partner sa iyong barkada?
a) Kapag magkakaroon kayo ng lakad ng iyong barkada, siguraduhing alam ng asawa mo kung sinu-sino ang iyong mga kasama, saan kayo pupunta, ano ang gagawin ninyo sa lugar na pupuntahan at anong oras ka uuwi (maaaring ‘estimated time’ ito o saktong oras ng pag-uwi). Sa pamamagitan nito, ipinapakita mo ang iyong respeto sa iyong partner na naghihintay sa bahay.
b) Siguraduhing mas malaki ang porsyento ng iyong oras sa iyong pamilya kesa sa iyong barkada. Tandaan, minsan ay hindi lang barkada ang kahati ng partner mo sa iyong oras kundi pati na rin ang iyong oras sa trabaho.
4. Bisyo- Kung ang bisyong ito ay ang mga tinatawag na ‘extra curricular activities’ tulad ng pagba-basketbol, ‘online game’, o iba pa, maaaring itulad ito sa iyong mga barkada (see item # 3). Pero, kapag ang mga pinagseselosang bisyo ng iyong partner ay ang pag-inom, pagsugal at iba pang masasamang bisyo na hindi mo na kayang i-kontrol at nakakasira na sa iyong pamilya, maaaring humingi na ng tulong sa mga eksperto at sa mga doktor.
5. Kasama sa trabaho – Sa mga ganitong pagkakataon, siguraduhing ilagay sa tamang lugar ang iyong pagseselos sa ‘officemate’ ng iyong partner. Huwag magpadala agad sa selos at galit na nararamdaman. I-assess munang mabuti kung may ginagawang masama nga ba ang iyong partner at kanyang ‘officemate’ o wala.
Huwag hayaang masira ang inyong relasyon dahil lamang sa selos. Tandaang dapat higit na mas malaki ang inyong pagmamahalan sa isa’t isa kesa sa anumang problema na dumating sa inyong relasyon.
Pakinggan palagi si Ate Alex Ganda sa iFM 96.3 sa kanyang mga programa:
iTOPIC – Monday to Friday, 10 AM to 12 NN i5 – Monday to Friday, 12 NN to 1 PM iROMANCE – Sunday, 1 to 3 PM
iTOPIC | Paano maiiwasan ang pagseselos ng iyong partner?
Facebook Comments