Nag-donate ang gobyerno ng Japan ng 6 million US dollar sa Pilipinas o katumbas ng mahigit ₱340 million bilang suporta sa mga bagong hakbangin ng Food and Agriculture Organization (FAO) at ng World Food Programme (WFP) sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Odette noong Disyembre.
Idinaos ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Ceremonial Exchange of Notes sa pagitan ng Japanese government, WFP at ng FAO sa DFA lobby main building sa Pasay City.
Target nito na mabigyan ng tulong ang humigit-kumulang sa 4,000 small-scale coconut farming at fishing households sa Regions VII, VIII at XIII habang 7,500 smallholder fisher and farmer families naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang US$ 4 million ay mapupunta sa WFP upang suportahan ang isang two-year project na layong mapabuti ang kabuhayan, seguridad sa pagkain at nutrisyon ng mga maliliit na magsasaka at mangingisda.
Palalakasin din ang halaga ng kanilang agrikultura sa pamamagitan ng pinabuting ugnayan sa merkado.
Ipakikilala ng WFP sa mga magsasaka ang paggamit ng Farm2Go, isang digital platform upang digital na ikonekta ang mga magsasaka sa mga pamilihan na nagpapahintulot sa kanila na ibenta ang kanilang ani sa mapagkumpitensyang presyo.
Habang ang US$ 2 million naman o higit ₱113 milyon ng kontribusyon ay gagamitin ng FAO para ipatupad ang isang humanitarian initiative na susuporta sa pagpapanumbalik ng mga kabuhayan at pagpapahusay ng katatagan ng 20,000 maliliit na magsasaka ng niyog at mangingisda na apektado ng Bagyong Odette sa Rehiyon VII, VIII at XIII.