“Malupit” kung tawagin ng Kapuso actress Jennylyn Mercado ang mga taong nagbubunyi nang ibasura ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Sa Facebook post ng aktres, pinaalalahan nito ang mga nasiyahan sa naging desisyon ng Komite.
Aniya, sana raw ay hindi nila danasin ang lumuha at mawalan gaya ng nararanasan ng mga empleyadong mawawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya.
“Hindi ba tinuruan tayo ng ating mga magulang na maging makatao sa kapwa? Rejoicing because of other people’s sorrow is not only wrong, but inhumane,” giit niya.
“You are cruel,” dagdag ng aktres.
Sabi ni Jennylyn, dapat ay pantay-pantay ang lahat kung parating sinasabi ng mamamayan na “law is law.”
“Ang importante ngayon ay ang mga taong nawalan ng trabaho lalo na at pandemya. Ang daling sabihin na okay lang sa inyo kasi sa tingin ninyo ay hindi kayo naapektuhan,” saad nito.
Huwag raw sanang maging manhid ang mga tao sa nararanasang hirap ng iba.
Panalangin nmaan ang ibinigay ng aktres para sa mga lubhang apektado ng desisyon.
“Will pray for everyone to be enlightened and to remember the values that make us human.”
Sa huli ay nakiusap ito sa lahat na maging mabuting kapwa tao.
Samantala, isa si Jennylyn sa mga artistang sumuporta at umapela sa franchise renewal ng network dahil sa labis na pagkabahala sa press freedom sa ilalim ng President Rodrigo Duterte.