
Tinutukoy na ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Joint Anti-Fake News Action Committee ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news hinggil sa di umano’y pag-kidnap sa ilang high-profile Chinese businessmen.
Binigyang-diin ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, na ang pagpapakalat ng ganitong impormasyon ay hindi lamang nagpapalaganap ng takot at kalituhan, kundi maaaring magdulot din ng mas malalang epekto sa seguridad at kaayusan ng publiko.
Muling ipinaalala ni Marbil sa mamamayan, lalo na sa mga vlogger, content creators, at social media influencers na maging responsable sa pagbabahagi ng mga impormasyon online.
Aniya, ang kalayaan sa pagpapahayag ay may kaakibat na pananagutan, lalo na kung ang usapin ay may kinalaman sa kaligtasan ng publiko.
Nanawagan din si Marbil sa netizens na huwag basta-basta maniniwala o magshe-share ng mga impormasyon kung hindi ito beripikado at suportahan ang laban ng pamahalaan kontra digital disinformation.