Lilikha ng libo-libong trabaho ang itinayong Integrated Coconut Processing Facility sa Misamis Oriental, na kauna-unahang integrated coconut processing facility sa buong bansa.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tinatayang nasa 2,500 na direktang trabaho ang malilikha ng pasilidad na kayang magproseso ng hanggang 60,000 piraso ng niyog kada araw para gawing anim na pangunahing produkto.

Kabilang dito ang coconut pallet, coconut board mula sa bunot, activated carbon mula sa bao, coconut water, coconut sap, harina, at skim milk mula sa laman ng niyog.

Makikinabang din dito ang humigit-kumulang 66,000 magsasaka ng niyog sa Misamis Oriental, habang inaasahan namang tataas ang kanilang kita dahil sa value-added processing.

Mula sa dating presyo na ₱8–₱10 kada kilo, target ng proyekto na maiangat ito sa ₱16–₱18 kada kilo.

Ang pagtatayo ng pasilidad ay inaasahang magpapatibay din sa posisyon ng Pilipinas bilang isa sa mga nangungunang coconut producers sa mundo, kasabay ng pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka at manggagawa sa sektor ng pagniniyog.

Facebook Comments