Magpapatupad ang Joint Task Force (JTF) COVID Shield nang mas mahigpit na pagbabantay sa galaw ng mga tao ngayong nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ito ay makaraang makarating sa JTF COVID Shield ang ulat na ilang mga Authorized Persons Outside of Resident (APOR) ang inaabuso ang exemption na ibinigay ng gobyerno dahil ginagamit ang kanilang Inter-Agency Task Force (IATF) ID sa non-essential travel.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander at PNP Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nao-obserbahan din ng mga pulis na nagbabantay sa quarantine control points na may mga APOR na bumabiyahe na walang kaugnayan sa kanilang trabaho.
Sinabi ni Eleazar, may mga nasisitang APOR na nakikipagtalo pa sa mga pulis kapag hindi napagbibigyan na makadaan sa mga checkpoint.
Kaya naman umaapela si Eleazar sa mga APOR na gamitin sa tama ang IATF ID kung ayaw makasuhan nang paglabag sa quarantine rules.
Ang purpose aniya nang pagiging APOR ay para lamang sa kanilang trabaho at pagbili nang kanilang pangangailangan sa bahay.
Sa ngayon mahigpit ang direktiba ni Eleazar sa mga local police na maging mas mahigpit sa inspeksyon.