Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng PCSO head office na wala pa silang bagong otorisadong agent para magpatakbo ng Small Town Lottery (STL) sa Isabela.
Ito ay matapos maglipana ang mga nagpapataya ng number games sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Isabela.
Magugunita na mariing tinutulan ng pamahalaan panlalawigan ang operasyon ng STL dahil umano sa maaaring panganib na pagkalat ng COVID-19 virus kaugnay sa ginagawang pagbahay-bahay upang magpataya ang mga kubrador na pinapatakbo ng Sahara Games and Amusement Corporation.
Sa ekslusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa PCSO, hindi sila basta-basta magbibigay ng otorisasyon lalo pa at naghain ng Motion for Reconsideration ang Sahara Games and Amusement Corporation.
Kailangan pa umano ng pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyang mapawalang bisa ang prangkisa ng Sahara at kung sakali man ay dito pa lang maaaring tumanggap ng bagong aplikasyon ang PCSO.
Kapag napirmahan na ito, saka pa lamang tatanggap ng panibagong aplikasyon ang PCSO.
Matatandaan na mismong ang LGU Isabela ang humiling na ipatigil ang STL sa lalawigan dahil sa sinasabing paglabag ng kumpanya.
Mismong si Cauayan City Mayor Bernard Dy ang nanguna sa paglusob sa tanggapan ng Sahara.
Ayon sa alkalde, bigo ang kumpanya na makakuha ng business permit at nakitaan ng paglabag sa RA 11332. Nauna narin itong inalmahan ni Mr. Ed Davalan, tangapangulo ng Sahara sa pagsasabing sinusunod lamang nila ang IRR.
Anumang grupong nangangasiwa at nagpapatakbo ng STL numbers game ay hindi na kinakailangang kumuha pa ng permit sa mga LGU’s basta otorisado na ito ng PCSO.
Dagdag pa ni Davalan diretso silang nagbabayad ng buwis sa punong tanggapan ng PCSO kaya’t malinaw umano na wala silang pagkakautang sa LGU Cauayan. Matapang pa na sinabi ni Davalan na ginagamit lamang ni Isabela Governor Rodolfo Albano III at Isabela Vice Gov. Faustino Dy III si Mayor Bernard Dy para takutin at i-harass ang kanilang grupo para mapatigil ang Sahara Gaming Corporation at masira ang operasyon nito.
Magugunita na noong December 2020, nagpalabas ang LGU Isabela ng resolution no. 2020-45-1 kung saan ipinag-utos ni Isabela Governor Rodito Albano III na huwag nang tanggapin sa lalawigan ang ilang opisyal ng PCSO at huwag naring tangkilikin ang mga nangangasiwa ng Small Town Lottery (STL) sa Isabela.
Gabi ng March 23, nang simulang ipatigil ang operasyon ng STL. Pagkaraan ng ilang araw ay muling naging talamak ang pagpapataya sa lungsod.
Sinikap na kuhanan ng news team ng reaksyon ang PCSO Isabela sa usaping ito ngunit tikom ang kanilang bibig.
Maging ang Panlalawigan Direktor ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas dito sa lalawigan ng Isabela at wala paring tugon upang makapagbigay ng kanilang panig sa usapin ng muling paglipana ng sugal na jueteng sa Isabela.