Ipinag-utos na ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang pagbuo ng isang special panel of prosecutors na hahawak sa inihaing reklamo ng PNP-CIDG laban sa mga personalidad na itinuturong nasa likod ng pagpapakalat ng “Ang Totoong Narcolist” videos na nagsasangkot sa Pangulong Duterte sa Iligal na droga.
Kabilang sa bumubuo sa DOJ Special Panel of Prosecutors sina:
- Senior Assistant State Prosecutor Olivia Terrevilas
- Assistant State Prosecutor Michael John Humarang
- Assistant State Prosecutor Gino Paolo Santiago
Ang naturang panel ang mag-iimbestiga sa reklamo ng PNP-CIDG laban kina VP Leni Robredo, Sen. Leila De Lima, Sen. Risa Hontiveros, dating Sen. Antonio Trillanes, at ilan pang kilalang mga tagasuporta ng oposisyon at lider ng Simbahang Katolika.
Kasama rin sa mga inireklamo ng CIDG si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy na nagsiwalat ng tinaguriang “Project Sodoma” na naglalayong patalsikin sa pwesto ang Pangulo.
Tiniyak din ng kalihim na kapag nakitaan ng probable cause ang isang reklamo at naisampa na ito sa korte, sisiguruhin nilang maipatutupad ang full force of the law para ma-convict ang mga akusado.