Manila, Philippines – Kinuwestiyon sa Korte Suprema ng mga kaanak ng SAF 44 na namatay sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao ang resolusyon ng Office of the Ombudsman na kasuhan lamang ng usurpation of official functions sina Dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ang petition for certiorari ay inihain nina Felicitas Nacino, asawa ni PO2 Nicky Nacino; Helen Ramacula, ina ni PO2 Rodel Eva Ramacula at ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Sa kanilang petisyon, hiniling nila na mapawalang bisa at mabaligtad ang consolidated order ng Ombudsman na may petsang September 5, 2017 at consolidated resolution na may petsang June 13, 2017.
Sa nasabing mga kautusan at resolusyon, ibinasura ng anti-graft body ang reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban kina Aquino, Dating PNP Chief Alan Purisima at Dating PNP-SAF Chief Getulio Napenas.
Hiniling ng mga petitioner sa Korte Suprema na atasan ang Ombudsman na ang ihaing kaso laban sa tatlong respondents ay reckless imprudence resulting in homicide sa halip na usurpation of official functions lamang at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.